ni Angelou Gaon
MAYNILA — Tinapos na ng TNT Tropang Giga ang anim na taon nilang pagkauhaw sa korona.
Pinabagsak ng Tropang Giga ang Magnolia Hotshots, 94-79, sa Game Five ng PBA Finals para pagharian ang 2021 Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Nagpaulan si rookie guard Mikey Williams ng 24 points, 4 assists at 4 rebounds para sa 4-1 pagdispatsa ng TNT sa Magnolia sa best-of-seven title series nila.
“It’s been a long journey but I’m very very proud with the guys,” ani Head Coach Chot Reyes.
Nakamit ng Tropang Giga ang kanilang pang-walong PBA crown matapos noong 2015 Commissioner’s Cup na kinabilangan nina Jayson Castro, Kelly Williams at Ryan Reyes.
Nag-ambag si RR Pogoy ng 19 points at may 10 markers naman si Castro.
“I feel like this a surreal moment for all of us. The whole season is really challenging for everybody,” wika ni Williams.
Si Mikey Williams ang number 4 overall pick ng 2021 PBA Rookie Draft, na hinirang na Honda-PBA Press Corps Finals MVP.
Isang 17-6 atake ang ginawa ng PLDT franchise sa second quarter para kunin ang 38-20 abante na pinalabo sa 23-point lead, 45-22, sa huling 2:29 minuto ng halftime bago ito napababa ng Magnolia sa 59-73 agwat sa pagsisimula ng final canto.
Ngunit hindi nag padaig, at sa halip nag tulong - tulong sina Williams, Pogoy at Reyes para muling ilayo ang Tropang Giga sa 94-75 sa nalalabing 2:15 minuto ng laban.
Comentários